Nagsampa ng kaso sa Office of the Ombudsman si Atty. Ferdinand Topacio, ang chairman ng legal committee ng VACC at ang Citizens Crime Watch laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino at 20 na iba pang dating opisyal sa ilalim ng Aquino administration na may kinalaman sa Dengvaxia.
Kabilang sa mga inihaing kaso ang plunder, malversation of public funds at paglabag sa Sec. 3-E ng RA 3019 na may kaugnayan pa rin sa pagpapatupad ng Dengvaxia mass immunization.
Maliban sa dating pangulo, kasama rin sa kaso sina dating Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., dating DOJ Sec. Janette Garin, Budget Sec. Florencio Abad at 16 na iba pa dahil sa pagbili ng Dengvaxia vaccines na mahigit P3.5 bilyon ang halaga.
Ayon sa mga nagreklamo na sina Atty. Topacio at Diego Magpantay, presidente ng CCW, masyado umanong minadali ang pagpapatupad ng anti-dengue program na ginamit na pantakip para makapangulimbat ng kaban ng bayan.
Tahasan ding sinabi ng mga naghain ng reklamo na minadali ang pagbili ng Dengvaxia para may magamit na pondo sa eleksyon.
Sistematiko rin anila ang naging sabwatan ng mga opisina sa ilalim ng executive department para makuha ang deal sa kompanyang Sanofi.
Kahon-kahong ebidensya na nagmula sa hearing ng senado ang bitbit na ebidensya nina Topacio na magdidiin umano sa mga inaakusahan.