Isang opisyal ng gobyerno tatanggalin sa pwesto ng pangulo

May isa pang opsiyal ng pamahalaan ang sisibakin sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte. At ito ay dahil pa rin sa isyu ng kurapsyon.

Sa talumpati ng pangulo sa presentation ng New Generation Currency banknotes and coins sa Malacañan, sinabi nito na sisibakin niya ang opisyal dahil sa madalas na pagbiyahe.

Gayunman, hindi tinukoy ng pangulo kung sinong opisyal ang susunod na masisipa.

Una rito, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pinaiimbestigahan na ng pangulo si PhilHealth officer-in-charge Celestina Dela Serna matapos ireklamo ng mga empleyado ng PhilHealth sa madalas na pagbiyahe sa loob ng bansa at pananatili sa mga mamahaling hotel at ang sobra sobrang allowance.

Ayon sa pangulo, saka lamang niya ma-appreciate ang pagbiyahe ng mga opisyal kung ang mga dadaluhang meeting ay may magandang bunga para sa bansa.

Noong lunes lamang, nagbitiw sa puwesto si Department of Tourism (DOT) Secretary Wanda Teo dahil sa kontrobersiyal na P60 million na kontrata na pinasok ng kanyang tanggapan sa Bitag media outfit na pag-aari ng kanyang kapatid na si Ben Tulfo.

Read more...