Bagaman nagbitiw na ito sa puwesto, si dating Department of Tourism (DOT) Secretary Wanda Tulfo-Teo pa rin ang pangunahing ipapatawag sa Senado para bigyan linaw ang P60 milyong placement ads sa PTV-4.
Ito ang sinabi ni Senador Nancy Binay at aniya, maaaring ang pinamumunuan niyang Committee on Tourism ang magsagawa ng inquiry in aid of legislation ukol sa isyu.
Ngunit aniya maaari din ang Blue Ribbon Committee ni Sen Dick Gordon dahil dating opisyal ng gobyerno si Teo.
Dagdag pa ni Binay na hindi lang naman sa P60 million advertisements sesentro ang pagdinig kundi maging sa mga mandato ng ibang ahensiya na nasa ilalim ng DOT.
Paliwanag nito maaring may mga trabaho na nagkaka doble-doble sa kagawaran at baka maisaayos ito sa gagawin nilang pagdinig.