Resolusyon para imbestigahan ang P60M ads ng DOT sa PTV-4 inihain sa Senado
Pormal nang inihain ni Senator Antonio Trillanes IV ang resolusyon na layong maimbestigahan ng Senado ang sinasabing anomalya sa pagbabayad ng P60 milyong halaga ng placement ads ng Department of Tourism sa PTV 4.
Sinabi ni Trillanes na partikular nilang nais malaman kung legal at makatuwiran ang halaga para sa infomercials ng kagawaran na bumagsak sa programang “Kilos Pronto”, ng magkapatid na Ben at Erwin Tulfo, mga kapatid ni resigned Tourism Sec Wanda Tulfo-Teo.
Ibinase ni Trillanes ang resolusyon sa nadiskubre ng Commission on Audit.
Dagdag pa ng senador ang governmend-owned TV station ay walang obligasyon na magbenta ng advertisements sa isang blocktime program.
Aniya ang blocktimer ang dapat na naghahanap ng advertisements para may maipambayad sa istasyon.
Ipinunto rin sa tatlong pahinang resolusyon ang mga sinasabing kakulangan ng mga dokumento ukol sa naturang ad placements.
Hiniling ni Trillanes sa kanyang resolusyon na ang Senate Committee on Tourism na pinamumunuan ni Sen Nancy Binay ang manguna sa isasagawang inquiry in aid of legislation.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.