Puwedeng tumanggap ng endorsements mula sa ibang partido ang mga kandidato sa pagka-senador ng Liberal Party pero hindi maaaring suportahan ng mga LP senatorial candidate ang ibang kandidato sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo.
Sa Ugnayan sa Batasan, sinabi ni Marikina Rep. Miro Quimbo, spokesman ng Daang Matuwid Coalition na malinaw ang tagubilin ng mga opisyal ng partido na tanging sina LP standard bearer Mar Roxas at running mate nitong si Camarines Sur Rep. Leni Robredo ang dapat nilang suportahan.
Gayundin, hindi aniya maaaring umapak ang mga ito sa entablado kasama ang ibang presidential at vice presidential bets.
Ginawa ni Quimbo ang pahayag sa pagsagot sa tanong kung papayagan ng LP si dating Senador Panfilo Lacson na lumahok sa ibang partido bilang guest candidate. Pero ayon sa kongresista, nagbigay na ng commitment si Lacson na sasama ito sa kampanya ng koalisyon.
Matatandaang noong 2013 elections ay naging common candidates ng LP at UNA sina senators Grace Poe at Chiz Escudero pero inilaglag rin sila ng UNA dahil sa hindi pagsama sa kampanya.