13 dayuhan na biktima ng human trafficking, nailigtas
Nailigtas ng mga otoridad ang 13 Japanese nationals kabilang ang siyam na menor de edad na pawang biktima ng human trafficking sa Samal Island sa Davao Del Norte.
Ang mga biktima ay nailigtas ng mga pulis sa Barangay Toril sa Samal City.
Siyam sa mga biktima ay pawang menor de edad habang ang apat ay nasa hustong gulang na.
Isang 61 anyos na lalaki at kaniyang live in partner na kapwa Japanese ang suspek sa pambibiktima sa 13.
Nadiskubre ang insidente makaraang magreport sa mga pulis ang kasambahay ng mag-asawang dayuhan kaugnay sa pagkawala umano ng apat na batang Japanese matapos dumalo sa training sa eskwelahan sa Barangay Toril.
Nang magsagawa ng imbestigasyon, natuklasan ng mga pulis na sinadya palang tumakas ng mga bata dahil sa dinaranas nilang physical abuse at forced labor.
Doon na nagkasa ng rescue operations ang mga tauhan ng PNP Region 11 partikular ang kanilang inter-agency council against trafficking.
Nasa kostodiya ngayon ng local social welfare office sa Samal ang mga nailigtas ma menor de edad habang ang apat ay dinala sa Japanese Embassy.
Arestado naman ang mag-asawang hapon at kasambahay nilang Pinay at sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at paglabag sa RA 7610 o anti-child abuse and discrimination law.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.