Quo warranto case vs Sereno pwedeng makalusot kahit 5 taon na siyang nasa pwesto
Maari pa ring isulong ang quo warranto petition laban kay Chief Justice on leave Maria Lourdes Sereno kahit pa mahigit limang taon na siyang nakaupo bilang punong mahistrado.
Ito ang pananaw ni Retired Supreme Court Associate Justice Eduardo Nachura.
Kinontra ni Nachura ang mga pananaw ng ilang eksperto na nagsabing dapat mabasura ang quo warranto case laban kay Sereno dahil ito ay dapat na inihain sa loob ng isang taon magmula nang siya ay maupo bilang chief justice alinsunod sa prescriptive period na itinatakda ng Section 11, Rule 66 ng Rules of Court.
Ayon kay Nachura, dahil ang quo warranto ay isinulong ng estado sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General, hindi iiral ang prescriptive period o anumang statute of limitation alinsunod na rin sa mga naunang desisyon ng Korte Suprema partikular na sa kaso ng Agcaoili vs Suguitan.
Dagdag pa ni Nachura, nauna nang binigyang diin ng Korte Suprema sa mga naunang desisyon at ng mga special law na ang pagbibilang ng prescriptive period ay magsisimula sa panahon na nangyari ang krimen o kung ang krimen ay naitago, magsisimula ang prescriptive period kung kailan nadiskubre ang krimen.
At dahil ang mga paglabag na ipinaparatang kay Sereno kaugnay ng kabiguan umano niyang magsumite ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ay nadiskubre lamang sa impeachment hearing sa House Justice Committee nitong Enero o Pebrero ng taong kasalukuyan, duon pa lamang magsisimula ang paggulong ng prescriptive period.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.