Pinatitigil ng Korte Suprema ang konstruksyon sa kontrobersyal na ‘Torre de Manila’ sa lalong madaling panahon.
Sa botong 8-5, pinaboran ng Kataasa-taasang Hukuman ang pagpapalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) na naglalayong pansamantalang ipahinto ang pagtatayo ng 46 na palapag na gusali sa likod ng Rizal Monument sa Luneta.
Una rito, naghain ng petisyon ang Knights of Rizal sa SC laban sa DMCI, na construction developer ng ‘Torre de Manila’ dahil sa pagiging isang ‘eyesore’ nito na sumasapaw sa kahalagahan ng monumento ni Rizal na pambansang bayani ng Pilipinas.
Binalewala din anila ng DMCI, ang zoning ordinance ng Maynila.
Lumabag din anila sa iba’t ibang batas na may kinalaman sa pangangalaga ng Cultural Heritage ng bansa ang konstruksyon ng naturang gusali.
Itinakda ng Korte Suprema ang oral arguments sa petisyon sa Hunyo a-30 – Chona Yu/Jay Dones