Batang babae nakatakas matapos dukutin sa Caloocan City

Nanginginig sa takot ang isang batang babae matapos itong makatakas mula sa pagkakadukot sa kanya ng tatlong kawatan sa Barangay 167, Caloocan City, kagabi.

Kwento ng ina ng bata na si Darlene Duterte, nataranta na lamang sila nang makitang wala na sa kanyang kwarto ang bata.

Agad anilang hinanap ang bata at inireport sa mga otoridad.

Bandang alas-8 na ng gabi nang makauwi ang bata sakay ng isang tricycle.

Kwento ng biktima, pinasok ng isang lalaki ang kanyang kwarto at nagpanggap na katrabaho ito ng kanyang ama. Sinabi umano ng lalaki na pinasusundo siya ng kanyang ama, kaya naman sumama ito sa lalaki.

Ngunit bago pa siya makapagpaalam sa kanyang ina ay bigla na lamang siyang tinakpan ng panyo sa mukha, dahilan upang ito ay mawalan ng malay.

Pagkagising ng bata ay nakita niyang nasa loob na siya ng isang van, na amy sakay ng siyam na iba pang bata.

Nang magkaroon ng pagkakataon ay doon na tumakas ang biktima. Sa kasamaang palad ay hindi naman nagawang makatakas ng iba pang mga bata.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad tungkol sa nasabing insidente.

Read more...