PNP Calabarzon, wala pang naitatalang election-related incidents

Tila nananatiling tahimik at payapa ang election period sa Region IV-A o CALABARZON.

Ito ay matapos ang ulat ng Regional Election Monitoring Action Center (Remac) ng Philippine National Police – Police Regional Office (PNP PRO-4) na wala pang naitatalang election-related incident sa kanilang rehiyon.

Sakop ng naturang report ang petsang April 15 hanggang May 7.

Ang magandang ulat na ito ng regional police ay sa kabila ng 57 baranggay na nasa 21 bayan at lungsod sa rehiyon na nasa listahan ng Election Watchlist Areas.

Aabot na sa 156 indibidwal ang naaresto kung saan 133 armas, dalawang granada, 1,182 bilang ng samu’t saring bala, 23 matutulis na bagay at tatlong firearms replicas na ang nakukumpiska.

Kabilang sa mga naaresto ay dalawang miyembro ng PNP, isang kapitan ng baranggay at isang security guard habang sibilyan na ang natitira.
Simula naman nang ipatupad ang election gun ban noong April 14 ay nasa 765 na ang kabuuang bilang ng mga armas na hawak ng regional police kabilang na ang mga boluntaryong isinuko.

Read more...