Sa unang pagkakataon, ay bibisita sa Pilipinas ang ‘incorruptible’ na heart relic ng isa sa mga pinipintakasing santo ng Simbahang Katolika na si St. Padre Pio.
Ito ay kinumpirma mismo ni Fr. Joselin Gonda, rector ng National Shrine of Saint Pio sa Sto. Tomas Batangas at sinabing ang naturang relic ay magtatagal sa bansa ng 20 araw mula October 6 hanggang 26.
Una sanang dadalhin ang relic sa bansa sa Setyembre upang isabay sa sentenaryo ng pagpapakita ng stigmata ng santo.
Gayunman ay hindi ito natuloy dahil sasabay ito sa pulong ng Italian Bishops sa San Giovanni Rotondo kung nasaan ang dambana na pinaglalagakan ng relic ni Padre Pio.
Mapalad naman anya ang bansa ayon kay Fr. Gonda dahil imbes na sampung araw ay 20 araw nang maglalagi sa bansa ang relic.
Plano anyang mabisita nito ang Maynila para sa Luzon, Cebu para sa Visayas at Davao sa Mindanao ng tig-tatatlong araw.
Nakikipag-ugnayan na anya sila sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Commission on Liturgy para ilatag ang mga aktibidad.
Magigng makabuluhan anya ang pastoral visit ng relic ngayong nagdiriwang ang Simbahang Katolika sa Pilipinas ng ‘Year of the Clergy and Consecrated Life’ dahil si Padre Pio ay hinirang na huwaran ng mga pari at relihiyoso.