Sa pamamagitan ng bagong ‘storage facility’ ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay natitiyak na maiingatan ang mga droga at kontrabando na nakumpiska ng operating units ng iba’t ibang law enforcement agencies.
Ayon sa pamunuan ng PDEA, sa mga susunod na linggo magiging ‘fully operational’ ang bagong tayo na tatlong palapag na gusali sa loob ng national headquarters ng ahensya sa Quezon City.
Bantay-sarado ng maraming high definition CCTV system ang pasilidad upang masiguro ang kaligtasan ng mga ebidensiyang nai-turnover sa pangangalaga ng PDEA.
Paliwanag ni PDEA Director General Aaron Aquino na mahalaga ang ginawang ‘upgrade’ sa kanilang laboratory service upang maging matibay at komprehensibo ang tinatawag na lab report na isinusumite sa court proceedings.
Sa tulong nito, matitiyak ang malakas na kaso laban sa mga drug offenders at mapanagot ang mga ito sa batas.
Itinakda naman sa June 1 ang inagurasyon ng bagong PDEA storage facility na naitayo gamit ang financial assistance nina Sen. Vicento ‘Tito’ Sotto III at Quezon City 4th District Rep. Feliciano Belmonte, Jr.