Duterte at Teo, nagkaroon ng mahaba at pribadong usapan
Mahaba ang naging pag-uusap nina Pangulong Rodrigo Duterte at Tourism Secretary Wanda Teo matapos ang Cabinet meeting, lunes ng gabi.
Sa harap ito ng ulat na sinibak na ng Pangulo si Teo kasunod ng kontrobersya sa P60-milyong advertising budget sa government station na PTV 4 na nauwi umano sa kamay ng kapatid ng kalihim na si Ben Tulfo.
Matapos ang Cabinet meeting, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagkaroon ng “long and private talk” ang Chief Executive at ang kalihim na tumagal hanggang hatinggabi.
Gayunman, iginiit ni Secretary Roque na “wala siyang impormasyon” at “wala siyang kumpirmasyon” sa napapabalitang pagsibak sa kalihim.
Kwento pa ni Roque, nakauwi na siya ay naguusap pa ang dalawa at bigla na lamang daw siyang pinabalik.
Gayunman, hindi na niya inabutan ang dalawa at nakauwi na rin ang Pangulo sa Bahay Pangarap.
Si Teo ay inaakusahan ng “conflict of interest” dahil sa advertising contract na ibinigay sa programa ng kanyang kapatid.
Mariin naman itong itinatanggi ni Sec. Teo at kahapon ay sinabi nitong ibinalik na ang kinukuwestyong pera.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.