Pagkakaltas sa makukuhang sahod ng mga guro sa eleksyon nasa kamay na ng BIR

By Rohanisa Abbas May 07, 2018 - 11:16 PM

Nakasalalay sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kung kakaltasan ng buwis ang sahod ng mga guro na magseserbisyo para sa barangay at Sanguniang Kabataan (SK) elections.

Ipinahayag ito ng Commission on Elections (COMELEC) sa gitna ng mga panawagan ng mga grupo, at ni Department of Education (DepEd) Secretary Leoner Briones na huwag nang buwisan ang honoraria ng mga guro.

Ayon kay COMELEC spokesperson James Jimenez, pasasahurin nila ang mga magtatrabaho sa eleksyon batay sa nakasaad sa Election Service Reform Act (ESRA), nang may 5% na kaltas.

Sinabi ni Jimenez na sa ngayon, wala pa silang natatanggap na pormal na apela mula sa mga guro o DepEd kaugnay nito.

Aniya, lingid sa kanyang kaalaman kung maghahain nga ba sila ng apela para huwag nang buwisan ang teachers’ poll pay.

Una nang inanunsyo ng COMELEC na bubuwisan nang 5% withholding tax ang honoraria at travel allowances ng mga magsisilbi sa eleksyon, alinsunod sa BIR Ruling No. 003-08 noong April 14.

Sa ilalim ng ESRA, may P6,000 honararia ang chairperson ng Electoral Boards, P5,000 sa mga miyembro ng Electoral Boards, P4,000 sa DepEd supervisor official at P2,000 sa support staff.

Lahay naman ay may tig-P1,000 na travel allowance.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.