Pag-atake kay VP Robredo at dating Tourism Sec. Jimenez, diversionary tactics lang – Sen. Pangilinan
Iginiit ni Liberal Party President at Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan, na ang ginagawang mga pag-atake kay Vice President Leni Robredo at dating Tourism Secretary Ramon Jimenez ay pawang mga diversionary tactics lamang ng administrasyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Pangilinan na inililihis lamang ang publiko sa mas mahahalagang isyu na dapat ay sagutin ng pamahalaan.
Kabilang anya dito ay ang kinahaharap ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kuwait na posibleng mawalan ng trabaho; nakaambang banta ng nagaganap na militarisasyon ng China; ang kontrobersyal na Tourism ad na nagkakahalaga ng P60 milyon na kinasasangkutan ni Tourism Sec. Wanda Teo at ng kanyang mga kapatid na nasa media.
“Inililihis nila ang atensyon ng sambayanan mula sa mga dapat na sagutin ng mga nasa kapangyarihan: ang nakakabahalang pangitain na mawalan ng trabaho ang mahigit 260,000 na mga OFW natin sa Kuwait, ang nakaambang na banta ng militarisasyon ng China sa ating teritoryo, at ang 60-milyong-pisong kontratang kinasasangkutan ni Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo at ng kanyang mga kapatid sa media,” ani Pangilinan.
Ayon sa senador, hindi dapat manlinlang ang gobyerno at harapin ang tanong ng taumbayan sa mga kasalukuyang isyu.
“Huwag manlinlang. Harapin ang mga tanong ng taumbayan: Paano na ang kabuhayan ng 260,000 na OFW sa Kuwait? Paano na ang kaligtasan ng mga Pilipino sa pagsakop ng China sa mga islang atin talaga? Paano na ang pangakong lilipulin ang lahat ng magnanakaw sa kaban ng bayan?” dagdag pa niya.
Wala namang binanggit si Pangilinan kung anong pag-atake ang ginagawa kay Jimenez at Robredo.
Gayunpaman, may kinahaharap na kasong katiwalian si Jimenez sa Sandiganbayan ngayon at isang electoral protest naman ang inihain ng natalong si Bongbong Marcos kay Robredo.
Binanatan din ni Cayetano ang bise-presidente kahapon sa umano’y pagiging double standard nito matapos ang pahayag na dapat nang aksyunan ng administrasyon ang gusot sa pagitan ng Kuwait at Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.