Barangay captain na sangkot sa iligal na droga arestado sa Misamis Oriental
Arestado sa pamamagitan ng search warrant ang isang barangay captain sa bayan ng Opol, Misamis Oriental dahil sa pagiging sangkot nito sa kalakaran ng iligal na droga.
Nakilala ang suspek na si Hermito Laid na chairman ng Barangay Patag.
Ayon kay SPO2 Benhur Penaloga ng Opol Municipal Police Station, matagal na nilang minamanmanan si Laid dahil kabilang ito sa mga high value target ng Philippine National Police (PNP). Ngunit ayon sa mga otoridad, hindi ito kabilang sa narco-list na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nang salakayin ng mga otoridad ang bahay ni Laid ay narekober nila ang 9 na sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at nagkakahalaga ng P4,500.
Nakuha rin mula sa bahay ng suspek ang isang granada.
Ayon kay Laid na muling tumatakbo bilang barangay chairman, hindi totoo ang mga paratang na sangkot siya sa kalakaran ng iligal na droga.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, ayon naman sa Commission on Elections (COMELEC), dahil hindi pa nahahatulan si Laid ay maaari pa rin itong magpatuloy sa pagtakbo sa halalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.