Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Lacson na dalawang beses silang nagka-usap ni LP standard bearer Mar Roxas at inalok siya nitong para maging guest candidate ng ruling party.
Ayon kay Lacson, wala siyang nakitang dahilan para hindi pumayag sa alok ng LP.
Pero sinabi ni Lacson na maliban kay Roxas, may iba ring partido na kumausap sa kaniya para maging guest candidate. “Nag-usap kami ni Sec. Mar Roxas twice sabi nila gusto nila ako i-adopt as guest candidate at pumayag ako. Bakit mo naman ire-refuse kung iguest candidate ka ng isang presidential candidate?,” ayon kay Lacson
Hindi naman umano niya tinanggihan ang nasabing mga alok, dahil tila pagiging arogante naman kung tatanggihan ang alok ng isang partido na para kay Lacson ay maituturing aniyang isang prebilihiyo.
Sinabi ni Lacson na karamihan sa mga kumakandidatong pangulo at pangalawang pangulo ngayon ay pawang mga kaibigan niya.
Sa panig nama ng United Nationalist Alliance (UNA), sinabi ni Lacson na hindi siya personal na kinausap ni Vice President Jejomar Binay para alukin na sumama siya sa line up ng partido.
Gayunman, nagpadala aniya ang emisaryo ng UNA para siya ay kausapin noon at alukin na tumakbong bise presidente o di kaya ay senador sa ilalim ng partido.
Si Lacson ay naghain ng COC sa pagka-senador kahapon, bilang isang independent candidate sa unang araw ng filing ng Certificate of Candidacy.