Aabot sa mahigit 100 pulis ang ipatatapon sa Mindanao region.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesman Chief Supt. John Bulalacao na kasama sa mga pinag-aaralang ipatapon sa Mindanao ang magkakapatid na sina PO1 Reniel Soriano, PO1 Rendel Soriano at PO3 Ralph Soriano na una nang nag-viral ang video matapos sugurin ang isang lalaking nakagitgitan lamang sa trapiko.
Ayon kay Bulalacao, bukod sa tatlo, ipadadala rin sa Mindanao ang ibang pulis na nasa personnel holding and accounting unit sa Camp Crame at ang ibang pulis na walang ginagawa at katatapos lamang ng schooling.
Sinabi pa ni Bulalacao na base sa pagbisita ni PNP chief Director General Oscar Albayalde sa Mindanao, isa sa mga hinaing ng mga ground commander ay ang kakulangan ng PNP personnel.
Nangangailangan aniya ng dagdag na pulis sa Mindanao lalo’t nalalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Bukod dito, nasa ilalim pa ng Martial law ang Mindanao region dahil sa giyera sa Marawi city.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.