LIDER BARANGAY NA INUTIL VS KRIMEN, WAG IBOTO sa “Wag Kang Pikon!” ni Jake Maderazo

By Jake Maderazo May 06, 2018 - 01:11 PM

Kuha ni Erwin Aguilon

Anim na araw na lang ang kampanya para sa eleksyon ng mga bagong kapitan, kagawad at SK chairman. 1,071,991 ang naghain ng certificates of candidacy at 386,206 dito ay para sa SK.

Sa totoo lang, ang halalan sa 42,000 barangays ang maituturing kong malaking pagkakataon sa paglilinis ng ating lipunan. Susuyurin ng mga kandidatong ito ang pinakasulok ng kanilang barangay para humingi ng suporta. Makakaharap nila ang lahat ng kanilang botante, mabuti man o masamang mamamayan. Malalaman nila ang kailangang solusyon sa problema ng barangay para sa mas magaan at tahimik na pamumuhay.

Saan ba nanggaling ang mga kriminal, mga sindikato, mga masasamang tao at iba pa kundi sa bawat barangay? Imposibleng hindi sila kilala ng mga kandidato o yung mga mananalo sa eleksyon. Alam nila ang “raket” ng bawat pamilya sa kanilang barangay, lalo’t talamak ang tsismis at usap-usapan sa kanilang lugar. Alam nila kung nasaan ang mga “drug den”, sino ang mga tulak, sino ang mga holdaper, mandurukot, akyat-bahay at iba pa.

At siyempre, pinag-aralan din ito ng mga masasamang loob. Sisiguruhin nilang mananalo sa kanilang barangay ang mga kandidatong “hindi sila pakikialaman”, “takot sa kanila” o kaya’y “hawak nila sa leeg”.

Tingnan niyo ang partial narco-list ng PDEA na apat na beses nang “validated” ng mga law enforcement agencies. 207 barangay officials ang nasa listahan, 117 dito ay mga kagawad at 90 ang barangay chairmen na karamihan ay taga-Bicol.

Dito sa Metro Manila, walong kapitan ng barangay at isang dating kapitan ang nasa listahan. Lima sa lungsod ng Maynila, tig-isa sa Caloocan, Quezon city, Malabon city at Mandaluyong. Sa mga kagawad, tatlo lang ang nasa listahan, dalawa sa Maynila at isa sa Quezon city.

Kung sila mismo ay sangkot sa droga, paanong tatahimik at magiging ligtas ang kanilang barangay at distrito kung nagkalat ang mga “pusher” at addict”?  Paano tatahimik ang bayan kung patuloy na kinakanlong ng mga protektor na kapitan ang mga “kriminal” sa mga barangay?

Ang barangay po ang susi ng “law and order” sa ating mga mamamayan. Ngayong pati mga corrupt at abusadong mga pulis ay inuupakan na rin ng PNP counter-intelligence, ang barangay ang magsisilbing protektor din ng mamamayan laban din sa mga abusadong pulis.

Bukod pa diyan ang pagbabantay sa paglabag sa mga batas sa  “environment”, pagtatapon ng dumi sa ilog,  “squatting” , barangay traffic at marami pang iba na layuning pagandahin ang pamumuhay ng mga mamamayan.

Kung ang pipiliin natin ay “popular”, sikat, “madaling lapitan”, at galanteng kandidato para lider barangay, pero inutil naman laban sa kriminalidad sa inyong lugar, aba’y mag-isip-isip na kayo.

Noong Pnoy administration, nagkalat ang mga adik, holdaper, akyat-bahay, mga kriminal at pakawala ng pulis sa mga kalye. Ito’y dahil sa pagiging inutil ng mga lider barangay at ng tiwaling PNP.

Limang taon tayong nagdusa sa mga inutil na kapitan ng barangay at walong taon din sa Sangguniang kabataan dahil sa “postponed” lagi ang eleksyon.

Ngayon pa lang at bago mag-Mayo 14, pumili na tayo ng mga bagong lider barangay na maging totoo at tunay na kalaban sila ng kriminalidad sa ating mga lugar.

TAGS: 2018 Brgy. at SK elections, kriminal, PNP, sindikato, 2018 Brgy. at SK elections, kriminal, PNP, sindikato

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.