Incoming Bucor chief Dela Rosa, nagsagawa ng surprise inspection sa Bilibid
Nagsagawa ng surprise inspection si incoming Bureau of Corrections (BuCor) chief Ronald “Bato” Dela Rosa sa New Bilidid Prisons o NBP sa Muntinlupa, Linggo ng umaga.
Nag-ikot si Dela Rosa sa medium security compound sa Bilibid upang personal na makita ang sitwasyon doon at kung naroroon ang mga high profile na druglords.
Para kay Dela Rosa, na naging kontrobersyal sa pagpapatupad ng war on drugs noong panahon niya bilang pinuno ng Philippine National Police (PNP), hindi pwedeng katedral ang Bilidid o hindi na raw makakapag-hari-harian ang mga drug lord sa Bilibid dahil maaaring matokhang sila mg diretso.
Aniya, hindi dapat maisama ang high profile druglords sa iba pang mga inmate dahil mas posible umano ang bata-bata system at mga transaksyon ng droga.
Banta ni Dela Rosa sa mga preso, umayos daw ang mga ito dahil kung sila’y magloko at masangkot sa droga, hindi raw mangingiming umaksyon si Bato.
Paalala nito, may bilin sa kanya si Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin ang drug problem sa NBP.
Sinabi ni Dela Rosa na marami siyang nais na maipatupad o baguhin sa Bilibid at iba pang mga kulungan, gaya na lamang ng pagtulong sa mga matatandang bilanggo na kung senior citizen o 60 anyos pataas ay baka maaari nang
makauwi.
Pinuna rin ni Dela Rosa ang buildings sa medium security compound na aniya’y parang babagsak na dahil sa sobrang kalumaan.
Babala nito, kapag nakaroon ng malakas na lindol ay maaaring bumagsak ang building, na delikado para sa mga preso.
Babantayan din ni Dela Rosa kung mayroon pang mga kubol sa loob ng Bilibid.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.