Walang mala-piyestang sitwasyon ngayon sa Commission on Elections (Comelec) main office sa Intramuros Maynila , hindi gaya kahapon sa unang araw ng filing ng certificate of candidacy.
Kauna-unahang naghain ng COC ngayong araw ang tandem ng isang nagpakilalang dating magsasaka at isang security guard na kapwa taga Quezon City.
Si Alfredo Tindungan, isang dating magsasaka, 75 anyos at residente ng Holy Spirit sa Quezon City ay naghain ng COC sa pagka-pangulo. Ka-tandem niya ang security guard na si Angelito Baluga, 54 anyos na tubong Cagayan Valley pero nakatira sa nasabing lungsod.
Ayon sa tambalang Tindungan at Baluga, kapwa nila isusulong ang pagkakaroon ng Divine government na anila ay sang-ayon sa itinatakda ng batas.
Samantala, isang nagpakilalang volunteer missionary naman ang naghain din ng COC sa pagka-pangulo.
Ayon kay Romeo John Ygonia, siya ang ‘chosen one’, at mismong si Hesukristo ang pumili sa kaniya.