Idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na drug free ang limang barangay sa probinsya ng Samar.
Sa isang statement, sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na mula noong May 2, malinis na sa droga ang barangay ng Boblaran, Marapilit, Maputi, Mombon at Pangdan na pawang nasa munisipalidad ng Zumarraga.
Kasabay nito, nag-isyu din ang PDEA ang sertipikasyon na ginawa naman sa Zumarraga Municipal Hall na dinaluhan nina Mayor Neliptha Figueroa at mga kinatawan ng Department of Health sa lalawigan, maging ng hepe ng pulis at kinatawan ng bawat barangay.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, ang drug-clearing operation ay ginawa sa limang barangay ng kanilang ahensya katuwang ang Philippine National Police noong April 26.
Kinailangan naman itong i-validate ng Municipal Oversight Committee matapos makumpirma na nakatugon sa panuntunan na itinatakda ng Dangerous Drugs Board (DDB) Regulation No.3, series of 2017 o Strengthening the Barangay Drug Clearing Program.