Pangulong Duterte, sinisi si dating Pangulong Aquino at ang US sa reclamation sa WPS

INQUIRER File Photo

Ibinaling ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Pangulong Noynoy Aquino at sa Estados Unidos ang sisi sa mga ulat ng umano’y deployment ng China ng missiles sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ay matapos ang kritisismong natatanggap sa umano’y kawalan ng aksyon ng administrasyon sa militarisasyon sa mga pinag-aagawang isla.

Binasag na ng pangulo ang katahimikan at sinabing nagsimula ang pagtatayo ng mga artificial-islands ng China sa WPS bago pa ang kanyang administrasyon.

Giit pa ng pangulo, nagsampa ng arbitration case ang administrasyon ni Aquino at nanalo noong nakaupo pa ito sa pwesto ngunit wala itong ginawa at hindi ma lang sinita ang China sa ginagawa nitong militarisasyon.

Gayunman, nanalo ang Pilipinas sa diplomatic protest nito noon lamang July 12, 2016 kung kailan nakaupo na si Pangulong Duterte sa pwesto.

Samantala, sinisi rin ni Duterte ang Estados Unidos na makapangyarihan at kayang pahintuin sana ang China ngunit wala anyang ginawa at hinayaan lamang ang bansa sa reclamation activities nito.

Sa ngayon anya ay pinag-aaralan ng pangulo ang sitwasyon at iginiit na hindi kakayanin ng Pilipinas na magdeklara ng giyera laban sa China dahil sa military powers nito at magreresulta lamang ito sa pagkaubos ng mga Filipino.

Read more...