Sinibak sa pwesto ni PNP Chief director general Oscar Albayalde ang dalawang pulis na nahuling nagmamaneho ng kolorum na sasakyan.
Agad na inutos ni Albayalde ang pagsibak kina Chief Insp. Juan Saldua Cipriano Jr. ng Southern Police District (SPD) at Senior Police Officer 4 Ronnie Arimbuyutan Druja ng PNP Aviation Security Group.
Nahuli ang dalawang pulis ng Inter-Agency Council For Traffic (I-ACT) at ng land transportation franchise and regularatory board (LTFRB) na nagmamaneho ng walang markang sasakyan na iligal na ginagamit bilang pampasaherong van.
Ayon kay Albayalde, ang mga kolorum na sasakyan na minamaneho ng dalawang pulis ay may stickers ng Office of the President.
Ilalagay sa Police Holding And Accounting Unit sina Cipriano at Druja at iimbestigahan ng Counter Intelligence Task Force (CITF).
Nais ni Albayalde na magsilbing babala sa ibang pulis na sangkot sa iligal na aktibidad ang pagkahuli sa dalawang pulis.
“nagpapasalamat ako na hindi nila pinalampas ‘yong mali ng ating mga pulis. magsilbi sana itong babala sa iba pang mga pulis,” pahayag ni Albayalde.