Nagtipon ang grupo ng mga estudyante at kabataan sa Palma Hall ng University of the Philippines o UP Diliman, kaugnay sa pagdiriwang ng World Press Freedom Day.
Ang rally ay pinangunahan ng Philippine Collegian, College Editors Guild of the Philippines o CEGP, Kabataan Partylist at Youth Act Now.
Kanilang sigaw, ipaglaban ang press freedom, at stop the killings sa hanay ng mga mamamahayag.
Nanawagan din sila ng katarungan para sa radio anchorman na si Edmund Sestoso na pinatay noong May 1.
Anila, nadagdag siya sa mahabang listahan ng mga mamamahayag na pinaslang sa bansa, ngunit bigo pa ring mabigyan ng hustisya sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Sinisikil din anila ng Duterte administration ang karapatan ng mga mamamahayag na ilabas ang katotohanan, gaya na lamang ng umano’y pambubully sa mga media outfits.
Bilang bahagi naman ng kanilang protesta, nagtakip ng bibig sa mga raliyista, kung saan makikita ang katagang “Don’t Gag the Press.”
Sa huling bahagi ng rally, nagsagawa ng candle lighting activity ang mga estudyante bilang protesta sa media repression at paghahanap ng hustisya para sa mga nasawing mamamahayag.