Pagtaas ng kaso laban sa mga miyembro ng media ikinabahala ng ilang grupo
Naitala ang 85 kaso ng pag-atake sa mga mamamahayag mula nang maupo sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte ayon sa ulat ng ilang media groups.
Nalampasan pa umano nito ang datos na naitala sa ilalim ng apat na pangulo bago si Duterte.
Naging mas delikado pa ang pamamamahayag sa ilalim ng administrasyong Duterte ayon sa Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), Philippine Press Institute (PPI), at Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
Ayon sa ulat, sa 85 kaso, kasama rito ang siyam na pagpatay sa mga mamaamhayag, pagsasampa ng 16 kasong libel, 14 insidente ng online harassment, 11 death threats, anim na tangkang pagpatay, pagbawi ng rehistrasyon, verbal abuse at pagmamanman ng pulisya sa mga mamamahayag at media agencies.
Isinaad din sa ulat na binago at kinontrol ng administrasyong Duterte ang diskurso ng publiko nang pabor dito.
Nauwi ito sa paglilimita sa kalayaan ng mga mamamahayag sa bansa at karapatan ng publikong malaman.
Inilabas ng CMFR, NUJP, PPI at PCIJ ang ulat kasabay ng World Press Freedom Day ngayong araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.