Philippine Navy, bigong mahanap ang umano’y ‘wreckage’ ng MH 370 sa Tawi-Tawi

 

Inquirer file photo

Hanggang sa kasalukuyan, bigo pa rin ang Philippine Navy sa Tawi-Tawi na matagpuan ang sinasabing ‘wreckage’ ng Malaysia Airline Flight MH 370 na nawawala simula pa noong nakaraang taon.

Ayon kay Lt. Gen. Rustico Guerrero, pinuno ng Western Mindanao Command, nagpadala na sila ng mga barko sa bahagi ng Sugbay Island malapit sa bayan ng South Ubian kung saan sinasabing natagpuan ang naturang debris ngunit bigo silang makita ito.

Wala rin aniyang impormasyon ang mga residente ng naturang bayan sa sinasabing natagpuang ‘wreckage.’

Umabot na rin ang kanilang paghahanap sa kalapit na bayan ng Languyan ngunit wala ring impormasyon ang mga nakatira doon sa eroplanong nag-crash sa naturang area o debris na naaanod sa lugar.

Una nang napabalita na may isang lalake ang nag-report sa Sabah police na may natagpuang ‘wreckage’ sa bahagi ng South Ubian sa Tawi-Tawi na mayroon umanong Malaysian flag.

Ang MH 370 ay nawala noong March 2014 habang lumilipad mula Kuala Lumpur sa Malaysia tungong Beijing, China lulan ang 239 pasahero at crew.

Ang pagkawala ng MH 370 ay misteryo pa rin hanggang ngayon.

Read more...