Kaso vs Mark Taguba at 8 iba pa kaugnay sa P6.4B shabu shipment ibinasura ng Valenzuela RTC
Ibinasura ng korte sa Valenzuela City ang kaso laban kina Mark Taguba, Richard Chen at 7 iba pa kaugnay sa pagkakapasok sa bansa ng P6.4-billion na halaga ng shabu.
Sa resolusyon ng Valenzuela City Regional Trial Court Branch 284 Judge Arthur Melicor, pinaburan ang mosyon ni Taguba, Chen at ng isa pang akusado na si Teejay Marcellana.
Sa nasabing mosyon, hiniling ng tatlo na mabasura ang kanilang mga kasong paglabag sa Section 5 ng Dangerous Drugs Act of 2002 o may kaugnayan sa pagbiyahe at pag-deliver ng ilegal na droga.
Ayon kay Melicor, maituturing na forum shopping ang ginawang pagsasampa ng kaso ng Department of Justice (DOJ) laban sa mga akusado.
Noong nakaraang November 2017, ibinasura lang din ni Valenzuela RTC Branch 180 Judge Nena Santos ang drug importation charges (Section 4) laban kay Taguba at iba pa.
Inihain naman ito ng DOJ sa Manila RTC noong January 24, 2018 at muling naghain ng panibagong kaso sa Valenzuela RTC na napunta nga sa sala ni Melicor.
Pinagsabihan pa ni Melicor ang prosekusyon dahil sa paghihiwalay pa ng mga inihaing reklamo gayung may kaugnayan lamang ito sa iisang krimen.
Bagaman sina Taguba, Chen at Marcellana lang ang naghain ng motion to dismiss, nagpasya ang korte na ibasura na ang buong kaso maging ang laban sa iba pang akusado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.