Walang ginawang krimen sa pag-rescue sa OFWs – Cayetano
Nanindigan si Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Alan Peter Cayetano na walang nagawang krimen ang mga opisyal ng bansa na nag-rescue sa mga distressed Filipino workers sa Kuwait.
Sa panayam ng media kay Cayetano sa NAIA Terminal 1 sa pagdating ni Ambassador Villa, iginiit nito na walang nalabag na anumang international convention o ginawang krimen ang Pilipinas sa ginawang pag-rescue.
Matatandaang inakusahan ng Kuwait ang embassy officials ng paglabag sa Vienna Convention for Diplomatic Relations at nagdulot ito ng paglalabas ng warrants of arrest sa mga tauhan ng Philippine embassy.
Kumpyansa naman si Cayetano na ang isyung ito ay mareresolba at magkakasundo rin ang dalawang foreign ministries.
Iginiit pa ni Cayetano na sa 38 ginawang rescue ay 35 ang ipinaalam at isinailalim sa koordinasyon ngunit ang tatlo ay kinailangan umanong aksyunan agad.
Kumilos na anya agad ang embahada sa tatlong kasong ito at naniniwala anya si Cayetano na katanggap-tanggap ito at obligasyon ito ng gobyerno ng Pilipinas sa ilalim ng international laws.
Gayunman ay nagdulot anya ito ng komosyon at humingi anya siya ng pamumanhin kung sakaling ang ginawang pagkilos ng gobyerno ay labag sa kanilang soberanya.
Iginiit namang muli ni Cayetano na ang aksyong ito ay bilang pagprotekta lamang sa mga mamamayan ng Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.