Malugod na magbibitiw sa posisyon si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano kung ipag-uutos ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang naging pahayag ng kalihim sa naganap na ambush interview ng mga media sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pagbalik ni ex-Kuwaiti Ambassador Renato Villa sa bansa.
Ang naturang pahayag ay kasunod ng napabalitang panawagan umano ng mga career diplomats ng DFA na magbitiw na sa pwesto si Cayetano dahil sa isinagawang rescue mission ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait, at dahil umano sa ”gross incompetence.”
Nauna nang sinabi ng DFA na hindi totoo ang balita at tinawag pa itong malisyoso.
Ayon sa ahensya, hindi sumasalamin sa kabuuan ng career Foreign Service Corps ang ang naturang panawagan sa pagbibitiw ni Cayetano.
Nananatili umanong committed sa professionalism at pagiging makabayan ang mga career officials ng DFA.
Ayon naman kay Cayetano, nirerespeto niya ang mga panawagan para sa kanyang pagbibitiw ngunit hindi aniya tama na gamitin ang pangalan ng buong kagawaran at mga career officials para dito.
Aniya pa, kung sasabihin ni Pangulong Duterte na mag-resign siya, ay gagawin niya ito at patuloy niyang susuportahan ang administrasyon.
Dagdag pa nito, normal lamang na mayroong manawagan ng kanyang pagbibitiw dahil sa pulitika. Ngunit aniya, tao na ang bahalang tumimbang kung hindi ba sapat ang ginawa ng kanyang departamento para tiyakin ang kaayusan ng lahat ng mga overseas Filipino workers (OFWs).