Pinakamataas na temperatura, naitala sa Metro Manila kahapon

By Rhommel Balasbas May 03, 2018 - 03:54 AM

May dahilan ang napakamainit na panahong naranasan sa Metro Manila kahapon.

Ito ay matapos maitala sa rehiyon ang pinakamainit na temperatura para sa taong ito.

Ayon sa PAGASA pumalo sa 36.8 degrees Celsius ang naitalang air temperature sa Science Garden monitoring station sa Quezon City bandang ala-una ng hapon.

Nalampasannito ang previous highest air temperature sa 35 degrees Celsius na naitala noong April 13.

Gayunman, ang heat index o aktwal na init na naranasan dahil sa alinsangan ay umabot sa 40.3 degrees Celsius.

Ang naturang heat index temperature ay ang pinakamataas din sa Metro Manila para sa taong ito.

Samantala, mas matindi ang init na naranasan sa San Jose, Occidental Mindoro matapos pumalo sa 49.1 degrees Celsius ang heat index sa naturang lugar bandang alas-2 ng hapon.

Inaasahang namang mas titindi ang init ngayong araw sa ilang lugar sa Luzon.

Posibleng umabot sa 41 degrees Celsius ang heat index sa Metro Manila, Pampanga, at Tuguegarao.

At maari namang umabot sa 42 degrees Celsius ang heat index sa Cabanatuan at 43 degrees Celsius sa Dagupan.

Samantala, ibinabala naman ng PAGASA na sa kasalukuyang heat index na nararanasan sa bansa ay posibleng maranasan ang heat cramps at heat exhaustion.

Nagbabala rin ang weather bureau sa posibilidad ng heat stroke sa mga taong patuloy ang paggawa sa kabila ng init na nararanasan.

Kung mainit ang panahong mararanasan ngayong araw sa Luzon ay uulanin pa rin ang bilang bahagi ng Mindanao bunsod ng umiiral na intertropical convergence zone (ITCZ).

Mararanasan ang maulap na kalangitan na may pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Caraga, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, ARMM at maging sa Eastern Visayas.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.