Pagpapaalis kay Sister Fox hindi babawiin ni Pangulong Duterte

Nakipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga abogado ni Australian missionary Sister Patricia Fox, na pawang nanggaling sa San Beda College of Law.

Naunang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi niya batid kung magkakaroon ba ng merito ang pagiging schoolmates ng pangulo at ng mga abugado ni Sister Fox sa magiging desisyon ni Pangulong Duterte kung matutuloy ba ang pagpapaalis sa madre.

Iginiit ni Roque na ipinatupad lamang ng pangulo ang department order ni dating Department of Justice (DOJ) Secretary at ngayo’y Senadora Leila De Lima na nagsasabing bawal lumahok ang mga dayuhan sa mga political activities dito sa Pilipinas.

Ngunit matapos ang pagpupulong ng pangulo sa mga abugado ni Sister Fox ay nagdesisyon ito na hindi niya babawiin ang pagpapalayas sa madre.

Sa talumpati ni Pangulong Duterte sa Mulanay, Quezon, inulit nito na walang dayuhan na may karapatang batikusin ang kanyang pamamahala sa bansa.

Aniya, hindi siya pumayag na palampasin ang pagsali ni Sister Fox sa mga kilos protesta, bagaman sinabihan siya ng mga taga-San Beda na i-reconsider ang nasabing desisyon.

Read more...