Nilinis ng pulisya ang pangalan ng apat na opisyal ng Barangay sa Eastern Visayas na nasa narco list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon sa Police Regional Office 8, ang apat na opisyal ng barangay ay nagbago na matapos sumuko sa Oplan Tokhang.
Ito ay sina Domar Jabolin ng Barangay 3 Poblacion, at Julie Rebato ng Barangay 2 Poblacion sa San Jose de Buan, Samar; Ricky Ansale ng Barangay Matango, sa bayan ng Almeria, Biliran; at Vladimir Adlawon, kapitan ng Barangay Kalangaman, sa bayan ng Bato, Leyte.
Ayon kay Senior Insp. Pirzano Camacho, hepe ng pulisya ng San Jose de Buan, Samar na-validate niya ang narco list matapos isapubliko ng PDEA.
Aniya, hindi na bumalik sa kalakalan ng iligal na droga sina Jabolin at Rebato.
Ayon kay Senior Insp. Arturo Salvacion Jr., hepe ng Bato police, hindi na rin gumagamit ng iligal na droga si Adlawon mula nang sumuko ito noong 2016.
Kinumpirma rin ni Senior Insp. Kim Wendell Montilla, hepe ng Almera police, na hindi na gumagamit ng droga si Ansale mula rin nang sumuko ito noong 2016.