Grupo ng mga manggagawa magkakasa ng malaking kilos protesta sa SONA ng pangulo
Magsasanib-puwersa ang mga malalaking grupo ng mga militante tulad ng Kilusang Mayo Uno at Nagkaisa Labor Coalition para sa ikakasa nilang malawakang kilos-protesta sa susunod na State of the Nation Address o SONA ni pangulong Rodrigo Duterte.
Itoy bunsod ng kabiguan ng pangulo na maglabas ng isang Executice Order na tunay na tatapos sa kontraktwalisasyon, at sa halip ay ang bersyon ng Dept. of Trade and Industry at ng Employers Confederation of the Phils. o ECOP ang nilagdaan sa mismong araw ng paggawa kahapon sa Cebu.
Ayon kay Wilson Fortaleza, isa sa Convenor ng Nagkaisa Labor Coalition, muling mag-uusap ang liderato ng mga malalaking Labor Movements upang plantsahin ang mga ikakasang pagkilos kaugnay ng SONA ng pangulo.
Ito ay kung saan kanilang ibabandila ang katraydoran umano ng Adminsitrasyong Duterte kung saan makailang ulit pang nakipag-diyalogo sa kanilang hanay sa Malakanyang.
ang naturang pag-uusap ay humantong pa umano sa pagsusumite nila ng kani-kanilang panukala o bersyon ng Executive Order na tuluyang tatapos sa kontrakwalisasyon at sa End of Contract o ENDO, subalit sa bandang huli ay wala rin aniyang mapala ang mga manggagawa.
Tinuran naman ni Elmer Labog ng KMU na nakukulangan ang mga manggagawa sa Executive Order ni pangulong Duterte, lalo’t nagpasaklolo pa ito sa Kongreso para maamyendahan ang Labor Code.
Paliwanag ng grupo ng mga militante na asahan na raw ng Malakanyang na sa SONA ng pangulo , hindi lamang ang mga manggagawa ang lalahok sa kilos protesta kundi maging ang ibat ibang Sektor kasama ang mga magsasaka, mga kabataan, mga taong simbahan, Transport group at mga biktima ng karahasan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.