Nilinaw ng kampo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na wala pang ipinalalabas ang desisyon hingil sa kanyang plano para sa 2016 elections.
Reaksyon ito ng kampo ni Duterte kaugnay sa naging pahayag noong weekend ni dating National Food Authority Administrator at political strategist Lito Banayo na nakapag-desisyon na raw si Duterte na tumakbo bilang pangulo sa darating na halalan.
Nilinaw ng alkalde na ang kanyang opisyal na tagapag-salita ay ang kanyang long-time friend na si Peter Tiu Lavina at ang kanyang Political Adviser naman ay ang matagal na niyang kaibigan na si Maribojoc Bohol Mayor Jun Evasco.
Sa kasalukuyan ay dumadaan si Duterte sa tinatawag na “soul searching” at muli niyang binanggit na maglalabas siya ng desisyon sa araw ng Huwebes October 15.
Nilinaw din ng kampo ng Davao City Mayor na hindi na siya magbibigay nang anumang pahayag bago ang nasabing petsa at kung sakali mang mag-desisyon siyang tumakbo sa alinmang pwesto ay didiretso na siya sa tanggapan ng Comelec.
Ayon pa sa kampo ni Duterte, si Banayo ay nag-volunteer na tumulong sa para sa media networking at political arrangements para sa pagsusulong ni Duterte ng “Federalism” para sa ating bansa.
Tumanggi ring magbigay ng komento ang mga kaanak ni Duterte at hihintayin na lamang daw nila kung anuman ang maging pasya ng nasabing opisyal.