Ayon kay Senate President Koko Pimentel, overdue na ang naturang desisyon.
Aniya pa, batay sa mga datos sa nangyayari sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait, isang magandang desisyon ang pagpapatupad ng permanent deployment ban.
Full support din dito si Senador Joel Villanueva.
Aniya, mas importante ang buhay ng mga Pilipino at isang injustice sa mga domestic workers kung ipagkikibitbalikat lamang ng pamahalaan ang mga pagmamalupit na ginagawa ng kanilang mga employers.
Ayon pa sa senador, dapat nang simulan ng mga concerned agencies kagaya ng Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Labor and Employment (DOLE), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang plano para sa repatriation, re-employment, at livelilood program para sa mga OFW na maapektuhan ng permanenteng deployment ban.
Para naman kay Senador JV Ejercito, bilang ama ng nasyon na pinoprotektahan ang kanyang mga anak ang naging desisyon ng pangulo.
Hinimok rin nito ang publiko na huwag magalit sa naturang desisyon. Aniya, kaligtasan lamang ng mga manggagawang Pinoy abroad ang iniisip ng pangulo kaya nito ibinaba ang permanenteng deployment ban.
Ngunit umaasa rin ang senador na maaayos agad ang gusot sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.
Samantala, nagpahayag naman si Senador Chiz Escudero ng suporta sa lahat ng ginagawa ng pamahalaan upang protektahan ang mga OFW. Kaya aniya, sinuportahan niya rin ang isinagawang rescue mission ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait.
Ayon pa kay Escudeo, susuportahan niya ang deployment ban hanggang sa gawan ng aksyon ng Kuwaiti government ang mga pang-aabuso sa kahit na sino.