Narco list ng mga LGU at congressmen, nakahandang isiwalat ng PDEA
Posibleng sunod namang ilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga pangalan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga mambabatas na sangkot sa kalakaran ng iligal na droga.
Sa isinagawang pulong balitaan noong Lunes, ay sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na mayroon silang hawak na narco-list na binubuo ng 93 mga vice mayor, mayor, congressman, vice governor, at governor.
Ngunit aniya, bago nila ito ilabas ay hihintayin muna nila ang go-signal ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa naturang press briefing ay nilinaw rin ni Aquino na hindi magsisilbing hit-list ang narco-list upang isa-isahin ang mga barangay officials na sangkot sa iligal na droga. Aniya, mananatiling lehitimo ang operasyon ng PDEA at magiging transparent sila sa kanilang mga gagawin.
Samantala, kasabay ng paglalabas ng barangay narco-list ay hinimok ni Department of Interior and Local Government (DILG) officer-in-charge Eduardo Año ang mga opisyal na nasa listahan na lumapit sa pamahalaan at humingi ng proteksyon, kapalit ng impormasyon tungkol sa mas malalaking tao na nasa likod ng kalakaran ng iligal na droga sa kanilang mga lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.