Deployment ban sa Kuwait hindi pa permanente ayon sa Malakanyang
Naniniwala si Presidential Spokesman Harry Roque na hindi magiging permanente ang total deployment ban sa mga Overseas Filipino Workers sa Kuwait
Ayon kay Roque, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte naman ang nagsabi na sa sandaling magkaruon na ng kasunduan ang Pilipinas at Kuwait maaring bawiin na ang deployment ban.
Aminado si Roque na hindi niya batid kung ano ang makakapagpahupa sa galit ng Kuwait sa Pilipinas.
“Pero lilinawin ko naman po, hindi naman po siguro permanente iyan kasi ang sabi naman talaga ng Pangulo, kapag mayroon ng kasunduan ay baka pupuwede nang i-lift iyong deployment ban. Pero sa ngayon po na walang kasunduan, wala pa pong resumption iyong ating pagdi-deploy diyan sa Kuwait. Marami po kasing mga isyu ito pero ang importante po, humingi na tayo ng patawad, paumanhin, obviously hindi po sapat sa Kuwait iyon so hindi pa natin alam kung ano pa ang magpapahupa sa kanilang galit,” ani Roque.
Humingi na aniya ng sorry ang Pilipinas dahil sa viral video ng rescue operation sa mga distressed OFW subalit hindi pa ito sapat para sa Kuwait.
Aminado rin si Roque na sa ngayon hindi niya batid kung matutuloy pa ang memorandum of understanding para sa pagpapadala ng mga Pinoy sa Kuwait.
Hangga’t walang kasunduan mananatili aniya ang deployment ban.
Sinabi pa ni Roque na sa ngayon, wala aniyang Overseas Employment Certificate o OEC na pinoproseso papuntang Kuwait.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.