Naghain na ng kaniyang certificate of candidacy sa Commission on Elections (Comelec) para sa pagka-senador si Bayan Muna Representative Neri Colmenares.
“Tatakbo po ako bilang senador upang ang yaman ng Pilipinas ay mapakinabangan nating mga Pilipino. Tatakbo po ako para may fighter ng bayan tayo sa senado,” ayon kay Colmenares.
Si Colmenares ay sinamahan ni dating Bayan Muna representative Satur Ocampo, pero mas nakaagaw ng pansin ang aktres na si Angel Locsin. Si Locsin ay malapit na kamag-anak ni Colmenares.
Sa panayam kay Locsin, sinabi nitong suportado niya ang kandidatura ni Colmenares. Personal umano siyang naniniwala na tapat si Colmenares sa kaniyang pagseserbisyo sa bayan.
“Si Cong. Neri po kahit po matagal na siya sa kongreso, hanggang ngayon nagmamaneho pa rin po siya ng 2nd hand na sasakyan, patunay na hindi ito nagnanakaw ng kaban ng bayan,” ayon kay Locsin.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na susubok sa senado ang Makabayan bloc. Ang una ay si Ocampo at Liza Maza noong 2010 at ang ikalawa ay si Teddy Casiño noong 2013.