Sinuspinde ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng transportation allowance sa mga manggagawang nawalan ng trabaho o displaced workers sa isla ng Boracay.
Ayon kay DSWD Western Visayas Director Rebecca Geamala, naubusan ng pera ang action center sa isla.
Aniya, bunsod ito ng napakaraming aplikante para sa transportation allowance.
Sinabi ni Geamala na doble ang dami ng mga aplikante kaysa cash na inihanda ng kagawaran. Nagsimula sa 300 ang bilang ng mga aplikante, na lumobo sa 600 hanggang 800 kada araw.
Tiniyak naman ng DSWD na may sapat na pondo ito para sa allowance. Magpapatuloy ang pamamahagi ng allowance ng DSWD bukas, Martes.
Nagbibigay ang kagawaran ng hanggang P5,000 transportation allowance, at dagdag na meal allowance para sa mga manggagawang uuwi sa kani-kanilang lugar matapos isara sa mga turista ang Boracay.
Sa datos ng DSWD noong April 27, nakapaglabas na ang ahensya ng P4.5 milyon sa 2,047 manggagawa.