Inirerekomenda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapataas sa environmental fee na kinakailangan bayaran ng lahat ng turistang papasok sa Boracay.
Sa ekslusibong panayam ng Inquirer kay Environment Sec. Roy Cimatu iginiit nito na ang dagdag sa environmental fee ay upang matugunan ang gastos sa wastewater treatment sa isla.
Kasalukuyang nasa P75 pesos kada tao ang environmental fee at maaari anya itong dagdagan ng P10 hanggang P15.
Masyado anyang mababa ang environmental fee para sa Boracay.
Gayunman, titingnan pa umano kung magkano ang gagastusin sa water treatment upang malaman kung magkano ang itataas sa presyo ng environmental fee.
Matatandaang nadiskubre ng mga awtoridad na 24 na establisyimento ang iligal na nakakonekta sa drainage system ng Boracay.
Ang mataas na level ng fecal coliform sa Bolabog beach kung saan naglalabas ang tatlong tubo ng untreated wastewater ang isa sa mga dahilan kung bakit naideklara ang State of Calamity sa isla.
Samantala, iniimbestigahan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) kung saan napunta ang koleksyon ng environmental fee sa Boracay sa nakalipas na 10 taon.