BIFF nagpasabog ng bomba malapit sa simbahan sa Koronadal City
Itinuturo ng Central Mindanao Police Regional Office ang Bangsamoro Islamic Liberation Front (BIFF) na silang nasa likod ng pagpapasabog sa Barangay Zone 3 sa Koronadal City.
Dalawang tao ang nasugatan dahil sa nasabing pagpapasabog na naganap malapit sa isang simbahan.
Ayon sa hepe ng Central Mindanao Police Regional Office na si Chief Superintendent Marcelo Morales, nagtanim din ng isa pang improvised explosive device (IED) ang mga suspek sa tapat ng isang convenience store, na tatlong kanto lamang ang layo mula sa St. Anthony Parish Cathedral, kung saan sumabog ang unang IED. Agad naman itong na-deactivate ng mga otoridad.
Mayroon pa aniyang isang IED na itinanim ang grupo, ngunit na-deactivate din ito ng mga bomb experts.
Ayon kay Morales, diversionary tactic ang ginawa ng BIFF dahil sa mga serye ng pag-aresto na ginawa ng mga otoridad laban sa kanila, at mga operasyon ng militar kontra sa mga bandidong grupo sa Maguindanao.
Sa ngayon ay patuloy ang pagsiyasat ng mga otoridad sa CCTV footage sa lugar upang malaman ang pagkakakilanlan ng mga nagtanim ng bomba.
Hinimok naman ni Koronadal City Mayor Peter Miguel ang publiko na manatiling kalmado ngunit alerto sa anumang kahina-hinalang kilos at gamit na iiwanan lamang sa kung saan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.