Pumayag na ang pamahalaan ng North Korea na isara ang kanilang nuclear weapons testing facility sa Punggye-ri sa buwan ng Mayo.
Ito ang inihayag ni Cheong Wa Dae Senior Public Relations Secretary Yoon Young-chan matapos magkausap ni North Korean leader Kim Jong Un at South Korean President Moon Jae-in.
Kasunod ng pagsasara sa nuclear test site ng NoKor ay papayagan ng kanilang pamahalaan na magsagawa ng inspeksyon dito ang South Korean at US experts, kasama ang mga kawani ng media.
Ayon pa kay Yoon, itinanggi ni Kim ang mga alegasyon na kaya umano ito nagdesisyon na isara ang nuclear test site dahil mayroon nang structural damage sa lugar.
Katunayan umano ay mayroong dalawang maayos na tunnel papunta sa lugar.
Ani Yoon, bilang bahagi ng pagsasaayos ng relasyon ng dalawang Korean countries ay ipinag-utos ni Kim na i-synchronize na ang oras ng NoKor sa standard time ng South Korea.