Sinisi ng Gabriela Women’s Party ang administrasyong duterte, maging ang Japan sa pagkakatanggal ng comfort woman statue na dating nakatayo sa kahabaan ng Roxas Boulevard, malapit sa Japanese Embassy sa Maynila.
Sa isang pahayag, mariing kinundena ng Gabriela ang pagkakatanggal ng naturang rebulto.
Ayon sa grupo, isang insulto para sa daan-daang biktima ng sex slavery ng mga sundalong Hapon noong World War II ang pagpapatanggal ng nasabing rebulto.
Sinabi ng Gabriela na ang ginawang pagpapatanggal ng gobyerno sa comfort woman statue ay isang paalala kung paano hindi pinahahalagahan ng administrasyong Duterte ang dignidad ng mga kababaihan at ng buong Pilipinas, kapalit ng pagpapautang dito ng bansang Japan.
Samantala, patuloy na inaalam ng iba’t ibang grupo at personalidad kung sino ang nag-utos ng pagtatangal ng comfort woman statue. Partikular na hinihingan ng paliwanag ng Gabriela ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang lokal na pamahalaan ng Maynila.