Sugatan sa pamamaril ang isang lalaki matapos umanong mamagitan sa away ng isang pedicab driver at grupo ng mga lalaki na nagtatanong kung paano ang papunta ng San Andres Bukid.
Kinilala ng Ermita Police Station ang biktima na si Marlon Enerio, 29 anyos na tinamaan ng bala matapos pumagitna sa grupo ng mga lalaki at pedicab driver na si David Delos Santos.
Nabatid na napagtanungan ng mga salarin ang pedicab driver na si Delos Santos kung saan ang daan patungong San Andres Bukid, pasado 10:00 Sabado ng gabi habang ito ay nag-aabang ng pasahero sa Ma. Orosa corner Remedios, Malate, Manila.
Ilang saglit pa ay bumalik ang grupo at kinompronta si Delos Santos na humantong sa mainitang pagtatalo ng magkabilang panig.
Isa sa mga suspek ay narinig pa na nagsabing “ Pare bakit mo naman niligaw ang mga kababayan ko!” sabay bunot ng baril at pinaputukan si Delos Santos subalit ang tinamaan ay ang umaawat na si Enerio.
Isang tama ng bala sa kanang balikat ang tumama sa biktima na si Enerio habang mabilis naman tumakas ang mga suspek sa hindi mabatid na direksiyon.
Isinugod naman ang biktima sa Ospital ng Maynila na ngayon ay nilalapatan pa rin ng lunas.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang Remedios PCP para sa ikahuhuli ng mga naturang salarin.