Pangulong Duterte pinauuwi na ang mga OFW sa Kuwait

By Justinne Punsalang April 29, 2018 - 12:33 AM

Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na umuwi na ng Pilipinas ang mga overseas Filipino worker (OFW) na kasalukuyang nagtatrabaho sa Kuwait.

Sa talumpati ng pangulo sa Singapore sa harap ng Filipino community ay hinimok nito ang nasa 260,000 na mga OFW na bumalik na ng bansa.

Aniya, marami namang trabaho sa Pilipinas na maaaring kuhanin ng mga OFW.

Paglilinaw naman ng pangulo, wala siyang galit sa Kuwaiti government bagaman pinauuwi na niya ang mga nagtatrabahong Pilipino doon.

Sa katunayan aniya ay nagpapasalamat siya sa Kuwait dahil sa pagbibigay nito ng trabaho sa mga Pilipino.

Aniya pa, hindi niya intensyong palalain pa ang gusot sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait; ngunit hindi rin naman maaaring pabayaan na lamang niya ang mga kababayang Pilipino na nakararanas ng pang-aabuso sa kanilang bansa.

Sa kabila nito, sinabi ni Duterte na handa pa rin siyang makipag-usap sa pamahalaan ng Kuwait matapos makauwi ang mga OFW na nagtatrabaho doon.

Panawagan pa ng pangulo sa Kuwait, siguraduhin ng kanilang pamahalaan na hindi na mapagmamalupitan pa ang mga Pilipino sa kanilang bansa at gagawin niya ang lahat para makabalik ang mga OFW sa Pilipinas.

Sa naturang talumpati, sinabi pa ng pangulo na gagamitin niya ang P5 bilyong pondo mula sa China para sa repatriation ng mga Pilipino sa Kuwait.

TAGS: kuwait, ofw, Rodrigo Duterte, kuwait, ofw, Rodrigo Duterte

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.