Vietnam, magbebenta ng mura at dekalidad na bigas sa Pilipinas – Malacañang
Sinabi ng Palasyo ng Malacañang na nanindigan ang Vietnam na kung kakailanganin ay susuplayan nito ang Pilipinas ng bigas sa mura at dekalidad na halaga.
Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ito ang naging pangako ng Vietnam sa bansa matapos ang naganap na bilateral meeting sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Vietnamese Prime Minister Nguyen Xuan Phuc.
Naganap ang pulong sa pagitan ng dalawang leader sa sidelines ng 32nd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Singapore at napag-usapan umano ang isyu sa bigas.
Ayon kay Roque, wala pa umanong tiyak na volume ng dami ng bigas ang handang ibenta ng Vietnam.
Sinabi pa ng kalihim na sa pulong na naganap ay sumang-ayon si Duterte na talagang maganda ang kalidad ng bigas sa naturang bansa.
Anya pa, umaasa ang Pilipinas na mapalawig pa ang kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam.
Samantala, nagpasalamat naman si Nguyen sa naging magandang pagtrato ng Pilipinas sa mga mangingisdang Vietnamese na namataang nangingisda sa karagatan ng Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.