Ayon sa pahayag ng FOCAP ang miyembro nila na may sapat namang akreditasyon mula sa International Press Center (IPC) ang hindi pinayagan na mag-cover sa press conference ni Labor Secretary Silvestre Bello sa Singapore, Biyernes ng umaga.
Dagdag pa ng FOCAP ilang miyembro nila ang hindi rin pinayagang pumasok sa news briefing ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano. Kalaunan, pinayagan rin sila pero hindi naman pinayagang makapagtanong.
Sina Bello at Cayetano ay kapwa na sa Singapore dahil bahagi sila ng delegasyon ni Pangulong Duterte sa 32nd Association of Southeast Asian Nations (Asean) Summit.
Ayon sa FOCAP, hindi pwedeng sabihin na isolated ang mga nabanggit na insidente dahil may mga insidente na rin noon na hindi sila napayagan sa coverage sa Marawi City at sa Boracay.
Ikinaalarma din ng FOCAP ang ulat na nagpasa ng panuntunan ang House of Representatives at binabalaan na babawiin ang media accreditation ng mga maglalabas ng ulat na maaring magdulot ng dungis sa reputasyon ng kamara.