Ito ang apela ni Commission on Elections Chairman Andres Bautista sa lahat ng mga politiko at kanilang mga taga-suporta sa pagsisimula ng isang linggong paghahain ng COC ng mga kandidatong tatakbo para sa darating na 2016 elections.
Inaasahan na kasi ang tila ba tradisyunal nang pagdagsa ng mga tao at mala-piyestang pagtitipon-tipon ng mga taga-suporta ng mga kandidato sa mga tanggapan ng Comelec tuwing dumarating na ang panahong ito.
Para kay Bautista, nais nilang maging maayos at mataimtim ang paghahain ng COC ng mga politiko pero gusto rin naman nila itong maging masaya dahil ito ay isang pagdiriwang ng kalayaan.
Gayunman, iginiit pa rin niya na huwag kalimutan ang pagiging sagrado ng halalan.
Dahil nga sa inaasahang dagsa ng tao, umapela rin ang kapulisan ng kaayusan at disiplina.
Kaya naman tiniyak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Superintendent Joel Pagdilao na magpapakalat sila ng mga pulis sa mga kalsada patungo sa tanggapan ng Comelec at pati na rin sa mga lugar na siguradong magiging matao, tulad na lamang ng mga simbahan kung saan paniguradong makikita ang ilang pulitiko na dadalo ng misa bago dumiretso sa Comelec.
Nagbabala rin si pagdilao sa mga kandidato at mga taga-suporta na huwag magdala ng mga armas sa kasagsagan ng paghahain ng COC.
Aniya, aarestuhin nila ang sinumang mahuli nilang may dalang armas at mga matatalim na bagay.
Para rin mapanatili ang kaayusan sa loob ng tanggapan ng Comelec, tatlong tao lamang ang maaaring isama ng kandidato sa loob.
Pero ayon naman kay Comelec spokesman James Jimenez, maglalagay naman sila ng malalaking monitor sa labas ng kanilang gusali kung saan mapapanood ng mga taga-suportang naghihintay at hindi makakapasok sa gusali ang mga kaganapan sa loob.
Para naman sa mga media interviews, maglalaan ang Comelec ng isang lugar sa hiwalay na gusali para mapaunlakan ng mga politiko ang mga nais makapanayam sila.