Itinago sa mga laruang pambata ang mahigit P10 milyong halaga ng shabu at kush weeds na tinangkang ipuslit sa Pilipinas.
Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapena magkahiwalay na dumating sa bansa ang dalawang kahon na pinaglagyan ng mga droga.
Bagamat parehong galing sa California, USA ang dalawang kahon magkaiba ang nagpadala ng mga ito.
Dito sa Pilipinas ang isang kahon ay nakapangalan sa isang Savannah Valdez ng General Trias, Cavite at Soncruz Medina ng Pasong Tirad, Quezon City.
Ang isang kilo ng shabu at kush weeds ay itinago sa likod ng isang lumang manika, samantalang sa lego toys naman itinago ang isa pang kilo ng shabu.
Sinab ni Lapena na maaring ginawa sa Amerika ang dalawang kilo ng shabu ngunit maaring ipinuslit lang din ito mula sa Mexico.
Ayon naman kay Gerald Javier, ng PDEA-NAIA, maaring sinubukan na ng mga sindikato na umangkat ng droga dahil sa matinding kampaniya ng gobyerno kontra droga ng pamahalaan.